Linggo, Pebrero 17, 2013


18,054.3 km2 (6,970.8 sq mi) ang laki ng Rehiyon ng Bicol. Isa ito sa 17 rehiyon sa bansang Pilipinas.

Mga paliguan, bulkan at bundok, pasyalan, pista at iba't-ibang produkto. Iyan ang mga bagay na ipinagmamalaki ng Bicol. Maliban dito ay sasalubong din sayo ang mainit nilang pagtanggap sa mga bisita at turistang dinadayo ang kanilang lugar. Uragon man kung sila ay tawagin dahil sa hilig nila sa maanghang na pagkain ay kabaligtaran naman ng anghang ang kanilang mga ugali at mga ngiti na sasalubong sa inyong imported na damit, sapatos at mga gamit.


Bulkang Mayon, Bulkang Bulusan, Bundok Isarog, Bundok Iriga, Bundok Malinao, Bundok Masaraga at Bundok Pocdol ay ang ilan lamang sa pinagmamalaking yamang lupa ng Bicol. Unang beses mo pa lamang makita ang mga ito ay mapapanganga ka na sa ganda nito. Sabayan pa ng malumanay na boses ng mga Bicolano na magpapakilala sayo ng mga yamang ito ay sulit na sulit ang pagpunta mo dito.

Pista ng Peñafrancia, Pista ng Magayon, Pista ng Pastores, Pista ng Karangahan at Pista ng Ibalong ang ilan lamang sa mga pinagdiriwang ng mga Bicolano. Marinig mo pa lamang ang mga kapistahan ay sigurado akong mamangha ka na sa kasiyahang maidudulot nito sa iyo. Paano pa kaya kapag nasaksihan na ng sarili mong mga mata ang mga pagdiriwang na ito? Maalala mo pa kaya ang pangalan mo?


 
Sino nga ba ang hindi nakakakilala ng Bicol Express? Isang pagkaing nanggaling sa Bicol mismo na taglay ang anghang ng katapangan ng mga Bicolano. Isa pa dito ang Pili Nuts na tinatangkilik ng marami dahil sa sarap nito. Tanyag din dito ang mga produktong galing sa abaka tulad ng tsinelas, bag at marami pang iba.


Bicol nga naman ang isa sa ipinagmamalaki ng Pilipinas, kaya’t halika na at masdan ang ganda ng Bicol!